“Ang Aklat ng Katotohanan – maghanda para sa Ikalawang Pagdating”
Alas-tres nang madaling araw noong Nobyembre 9, 2010 nang bigla na lamang nagising si Maria. Pagtinging-pagtingin niya sa oras, na namumula sa digital clock na nasa tabi ng kanyang kama, may naramdaman siyang kakaiba sa kanyang katawan. Parang wala siyang bigat at may mainit na pakiramdam sa kanyang sikmura na parang bumabagtas patungo sa kanyang mga paa, at ramdam ito sa bawat madaanang himaymay at kalamnan.
Pagbukas niya ng ilaw sa tabi ng kama, sunud-sunod at matitinding emosyong pisikal at espiritwal ang parang kuryenteng umagos sa buo niyang katawan. Umupo siyang litung-lito at takang-taka. Agad siyang napatingin sa isang larawan ni Jesus sa kabinet na nasa tabi ng kanyang kama.
Biglang nagbago ang mukha sa larawan. Naging parang buhay ito. Laking gulat niya nang ang larawan ni Jesus ay umumis sa kanya at nagsimulang gumalaw ang Kanyang mga labi na parang Siya’y nagsasalita. Buhay na buhay ang Kanyang mukha na may iba’t ibang expresyon ng pagmamahal, pagaalala at pagmamalasakit. Hindi niya naririnig ang Kanyang boses, pero pakiramdam niya’y gusto Niya siyang kausapin.
Naramdaman niya kaagad ang presensiya ng Diyos. Parang isang kabalintunaan na may naramdaman siyang kapayapaan gayong parang di-kapani-paniwala ang nangyayari. Nanginginig at umaagos ang luha, naging para siyang maliit na bata sa harap Niya. At nagkaroon siya ng napakatinding pagnanais na isulat ang alam niya’y sinasabi ni Jesus sa kanya.
Namalayan niyang isang pinto ang nabuksan, isang ilaw ang nasindihan, at wala nang balikan pa.
Pagkuha niya ng isang lumang envelop at isang pen sa tabi ng kama, nagsimula nang mabuo ang mga salita sa kanyang isipan. Isinulat niya ang kanyang narinig kung paano ito idinikta sa kanya sa paraang maamo pero makapangyarihan. Bawat salita ay nabuo nang malinaw, tama at walang tigil paglapat na paglapat ng pen sa papel.
Ang unang mga salitang kanyang isinulat ay “Ang Loob Mo ay kautusan para sa akin.” Hindi niya nauunawaan kung bakit niya ito isinulat, pero alam niya sa kanyang puso na ito’y isang pagtugong likas at bukal sa kalooban. Sa anu’t anuman, alam niyang ito muna ang dapat niyang isulat. At pagkatapos ay dumating ang unang mensaheng ibinigay sa kanya ni Jesucristo.
Ang mensaheng idinikta sa kanya ay naglalaman ng 745 salita at eksaktong 7 minuto ang ginugol niya para isulat ang mensahe – ang bawat salita mula simula hanggang katapusan.
Kinaumagahan, pagkasikat ng araw, nagtatalo ang kanyang damdamin. Sa isang dako, di-kapani-paniwala ang nangyari. Sa kabilang dako, alam niyang ang nangyari kagabi ay talagang totoo. Kaya binasa niya ang mensahe. Nanginig siya sa pagkabigla at pagkamangha, at umagos ang kanyang luha habang unti-unti na niyang nakikita ang katotohanan.
Matalino si Maria na isang ina na apat ang anak. Marami siyang pinagkakaabalahan at marami ring natupad na pangarap. Sanay siyang humarap sa mga pang-araw-araw na hamon ng pagnenegosyo kaya siya dapat ang unang-unang bumale-wala sa mga ganitong pangyayari. Pero alam niya sa kanyang puso na hindi katha ng kanyang isip ang mga mensahe at, bukod dito, walang-wala siyang kakayahang gumawa ng script na kagaya nito.
Kakaba-kabang kinuha niya muli ang larawan ni Jesus at tiningnan ito. Naghintay. Hinahamon ang larawan na muling gumalaw. At gumalaw nga ito. Sa pagkakataong ito, umiiyak siyang nagmakaawa kay Jesus na bigyan siya ng tanda kung ang lahat ng ito nga ay imahinasyon lamang niya.
Alas onse nang umaga noon. Tulad ng dati, nagbago ang larawan at muling nagkabuhay ang mukha ni Jesus. Nakadamit siya ng puti at may gintong palamuti sa kanyang leeg. Ang Kanyang mukha ay payat at mahaba. Ang buhok Niya’s mamula-mula, medyo kulot at hanggang balikat. Tumatagos ang Kanyang asul na mga mata na napapaligiran ng nakakasilaw at nanunuot na liwanag.
Ang liwanag na ito, ayon kay Maria, ay napakalakas at hinihigop ang iyong lakas. Maamo Niya siyang pinagmasdan, nang may pag-alala, malasakit at malalim at walang-maliw na pagmamahal. At umumis Siya.
Ang katawan niya’y muling nakaramdam ng parehong mainit at napagaang pakiramdam gaya noong una. Isinulat niya ang kasunod na mensahe na para sa kanya lamang. Lubhang mas maikli kaysa nung nagdaang gabi. Sa pagkakataong ito, sinabi ni Jesus sa kanya na huwag matakot. At oo nga, nakikipag-usap Siya sa kanya. Pinakiusapan Niya siyang huwag umalis at maging matatag. Tiniyak Niyang hindi imahinasyon lamang niya ito.
Sa gayo’y nagsimula na ang mga mensahe bagamat sa simula, walang kaide-idea si Maria kung tungkol saan o ano ang kahulugan ng mga ito. Takot na takot siya sa reaksyon ng publiko sa gayong mga mensahe at nakahinga siya nang maluwag nang sabihan siya ni Jesus na gusto Niyang manatili siyang di-nakikilala sa maraming dahilan.
Unti-unti, nagising siya sa katotohanang totoo nga ang mga mensahe, bagamat mas gusto sana niyang hindi. Kaya ipinalagay niyang siya’y isa pang bisyonaryo, isa pang propeta.
Hindi pala. Sinabi na rin ni Jesus kung sino siya talaga. Sinabi Niya sa kanya na siya ang propeta ng huling panahon (isang taguring hindi pa niya narinig kailanman) at hindi siya pinili. Isinugo siya bilang pam-pitong Sugo para ipahayag, alang-alang kay Jesus, ang mga tatak na nilalaman sa Aklat ng Pagbubunyag para ihanda ang mundo para sa Kanyang Ikalawang Pagdating.
Simula noon, halos araw-araw siyang nakakatanggap ng mensahe mula kay Jesucristo. Ilan sa mga mensahe ay ibinibigay sa kanya ng Birheng Maria, ang Ina ng Diyos na nagbigay kay Maria ng isang bagong titulo kung paano nais niyang siya’y makilala, ang Ina ng Kaligtasan.
Ang unang mensaheng tinanggap niya mula sa Diyos Ama ay noong Hunyo 2011. Nang matanggap niya ang mensaheng ito, katatapos lamang niyang makatanggap ng isang mensahe mula sa Espirito Santo na sinabing gusto siyang kausapin ng Diyos Ama.
Nanginginig siya habang sinusulat ang mensaheng ito hindi dahil sa takot kundi dahil sa Kanyang kapangyarihan at wagas na pag-ibig para sa buong sangkatauhan. Ipinaliwanag Niya sa kanya kung bakit Niya talaga nilikha ang mundo. Ito’y para Siya magkaroon ng isang pamilya.
Si Maria ay isang Katoliko Romano, pero inamin niyang bago niya tinanggap ang mga mensahe ay siya’y isang maligamgam na Katoliko. Naniniwala siya sa Diyos pero hindi siya relihiyosa sa tradisyunal na kahulugan. Pero sa loob ng mga buwan bago niya natanggap ang unang mensahe, nagkaroon siya ng pagbabagong espiritwal at napakita sa kanya ang Birheng Maria bagamat inilihim niya ito.
Dahil sa mga aparisyon, mas nanalangin siya at dinasal ang Santo Rosaryo. Sa pagdarasal niya ng Rosaryo sa harap ng estatuwa ng Ating Ina noong ika-8 ng Nobyembre, binigyan siya ng Ating Ina ng isang mensahe na isinulat niya pero hindi niya naunawaan kung ano ang ibig sabihin.
Sinabi kay Maria na ang Ikalawang Pagdating ni Kristo ay nalalapit na at siya ang huling sugo, ang huling propeta. Sinabi sa kanya na siya ang ika-pitong Sugo, ang ika-pitong anghel na magpapahayag sa mundo ng mga nilalaman ng Mga Tatak sa Aklat ng Pagbubunyag habang ang mga ito’y binubuksan ng Kordero ng Diyos na si Jesukristo.
Ang mga mensaheng ibinibigay sa kanya ang bumubuo ng Aklat ng Katotohanan na ipinropesiya sa Aklat ni Daniel para sa huling panahon.
Ibinibigay ang mga ito sa mundo para makatulong sa pagpapalaganap ng pagbabalik-loob upang ang lahat ng anak ng Diyos ay mailigtas sa antikristo na malapit nang magpakita sa mundo.
Sinasabi ni Maria na nais ng Diyos na iligtas ang bawat tao, pati ang mga makasalanang matitigas ang puso. Ang lahat ng maliligtas ay papasok sa isang Bagong Paraiso sa Lupa kung saan magkakaroon tayo ng isip, katawan at kaluluwa. Mamumuhay sila sa kagandahan, pag-ibig, kapayapaan, pagkakasundo, at wala na silang mahihiling pa. Ito ang pamanang ipinangako ng Diyos sa lahat Niyang anak.
Mas higit pa ito sa anumang malilikha ng ating isip, sabi niya, pero ang mga lalapit lamang sa Diyos at hihingi ng kapatawaran ang makapapasok.
Magkakaroon sila ng buhay na walang-hanggan.
Pag tinanggihan nila ang Diyos, sila’y itatapon sa apoy ng Impiyerno kasama ng antikristo, ng di-totoong propeta at ng lahat ng sumusunod kay Satanas.
At wala na tayong masyadong oras.